Blog Archives

PSP

Akala ko dati ang ibig sabihin nito ay Personal PlayStation. Sabi ako nang sabi ng Personal PlayStation bago ko narealize na PPS yun at di PSP. At least ngayon alam ko na na yun ay PlayStation Personal. Jowk. PlayStation Portable.

Bakit naman kasi yang mga hapon na yan mali ang pagpangalan diyan. Di ba dapat ang adjective ay nauuna sa minomodify nya? Parang beautiful lady — beautiful yung adjective tapos lady yung noun na minomodify. Paano nyan kung susundan mo ang logic ng hapon, e di magiging rady beautifur yan? So dapat talaga Portable PlayStation yan.

Kungsabagay pangit naman pakinggan yung PPS. Like pag sinabi mong: Oi palaro naman ng PP-S mo! Wala nga namang dating. Medyo bastos pa pakinggan (pipi-s — gets?). Sige na nga PSP na lang.

Anyway, kaya eto ang gusto kong pag-usapan now kasi nabanggit ng isa sa napakarami kong reactors (tatlo, kasama na ko dyan) sa blog ko na buti pa raw ako may PSP na. Actually, di akin yun. Sa anak ko yun. At sa totoo lang muntik na dumanak ang dugo bago ko mabili yun. Ayaw ko talaga kahit anong pagpapa-cute ng anak ko. Kahit sabi siya nang sabi ng: Mami me PSP na si ano. Or Mami ang sarap pala mag-PSP. Or Mami, marami na akong alam na games sa PSP.

Dahil sa totoo lang hindi naman siya necessity. Sa hirap ng buhay ngayon dapat natuturuan din ang mga bata tungkol sa halaga ng pera. Sanay naman sila sa turo ko na makakabili lang sila ng toys pag may maraming-maraming pera.

One time nga, while nasa supermarket kami, sumigaw yung isang anak ko ng: Mami pag nagkaron ka ng maraming-maraming pera bili mo ko nun! Paglingon ko ang tinuturo ay isang tsipanggang bolang plastic na maliit. Para akong nanigas sa hiya nun lalo na nang magtinginan ang mga salesladies na para akong kinukutya. Bumawi na lang ako, sabi ko: Siraulo ka talaga, mana ka sa daddy mo! Punumpuno na ng bola yung bahay natin bibili ka na naman. Saka kababae mong tao ball na naman! Pumili ka ng doll dyan, yun ibibili kita. (Echus lang yun of course, alam ko naman na ayaw nya nun)

Anyway, matagal namin pinagdedebatehan yung pagbili ng PSP na yun. Sabi ko lalabo lang ang mata ni Pay (short for Payatot, di nya totoong pangalan). Pero sino ba naman niloloko ko e, maghapon naman siyang nag-cocomputer pag wala siyang ginagawa. Ang nakakabahala pa, nagsawa na siguro siya sa paglalaro ng Generals kaya nahuli ko syang naglalaro ng internet game na pinag-mamatch-match yung damit, buhok, shoes, make-up at accessories ni Barbie.

Kinakabahan ako sa mga nadidiscover ko kay Pay, lalo na at nahihilig sya magpopose ng ganito:

Di naman sa homophobic ako. Kaya lang di ba di magandang future ang naghihintay sa kanya kung lalaki syang ganun knowing na puro lalake ang pinsan nya at puro lalake din ang mga kapatid ng daddy nya? So pumayag na ako. Basta sabi ko walang mga Barbie games sa PSP.

Pero masama pa rin ang loob ko. Kaya kahit pinagpyepyestahan na nila yung PSP, deadma pa rin ako. Ayokong hawakan ang bagay na nabili ng perang kalahating taon kong pinag-ipunan para sana sa pagpapaganda ko (sa pag-asang me magagawa pa ang modern technology sa kin).

Mga isang buwan din akong nanumbat at nagmukmok. Hanggang na-bribe ako ng asawa ko na unggoy talaga sa kautakan sa pamamagitan ng pag-install ng Final Fantasy VII sa PSP. Kasi alam nya na adik ako sa RPG or role-playing game — natapos ko na yung FFIX, Diablo at me mga characters ako sa RoseOnline (Cleric-male, level 120, name: Gahaman) at RANOnline (Shaman, level 101). So ayun, unti-unti ay nahulog na rin ang loob ko sa PSP.

Ngayon medyo adik na rin ako. Mainit ang ulo ko pag ayaw magpahiram ni Pay: Lagi ka naman naglalaro nyan e, si mami naman! Anyway, sira nga pala yung ininstall na FFVII kaya medyo nabitin ako dun. Pagkatapos ko pagpuyatan at isipin nang isipin papaano mapapalakas yung Firaga, Thundaraga, Blizzaga at kung anu-ano pang kagagahan. Ngayon Brave Story nilalaro ko. Wish ko lang di sya sira.